Tuesday, March 08, 2005

Noypi

Sa kasalbahihan ko ay lumiban ako nitong mga nakaraang lunes. Dahil dito ay nakapanood ako ng 2 yugto ng "The COrrespondents" ng channel 2. May mga pinakita na sadyang nakakurot sa aking puso.

Dalawang banyaga na may pusong pinoy ang nakita ko: isang Britanyong nagngangalang Dylan Wilk at isang Dutch na may ngalang Hank.

Si Dylan ay naaya lamang na pumunta dito sa ating bansa at nakita nya ang kahirapan nang ating mga kababayan. Sa tulong ng Gawad Kalinga, isang organisasyon na tumutulong magbigay nang tahanan sa mga kapus-palad, ibinigay nya ang lahat ng kanyang pera upang ipangtustos sa pangangailangan ng mga kababayan natin na walang-wala sa buhay. At ni isa sa mga ari-arian nya sa Britanya ay walang natira. Ibinigay nya ang lahat para sa mga mahihirap. Unang -una nyang hinangaan sa atin ang Bayanhiyan at pagiging masiyahin sa kabila ng hirap ng buhay.

Si Hank naman ay isang Dutch national. Napadpad sya sa ating bansa dahil sa KLM airlines at isa syang importanteng employado. Wala syang itinagal sa ating bansa maliban sa isang pag-anyaya ng isang kapitan ng eroplano na taga-Mandaluyong. Naalala pa nya nung una syang inaya nito sa kanyang bahay at sila at sumakay ng bus at jeep. Bawat pinoy na makakita sa kanya ay nginingitian sya. At dun nagsimula ang interes nya sa ating kultura. Kung bibisitahin mo ang kanyang bahay sa Netherlands, para kang nasa Pinas.Magmula sa mga disenyo sa pader, sa upuan, maging litrato ni Richard Gomez ay meron sya. Sa pagsalubong niya sa mga reporter ng Correspondents, isang mapaganyayang "Kamusta", "mabuhay", "mahal ko kayo" ang ibinati nya kahit duon
lamang sila nagkakilala. Maski sa mga hirit tulad ng "talaga","tapos", "totoo ba yan?" alam niya.

At alam nyo ba kung ano ang mga huling salita nila? Na maniwala tayo sa sarili natin. Na astig pa rin ang pinoy. Wala pa ring tatalo sa tulad natin. Sa mga kaugalian natin. Ang pagiging masiyahin natin. Na lagi nating kinakaya ang kahit anong pagsubok, ano man ang paghihirap ay alam natin na may darating na liwanag.
Pero bakit maraming taong nais umalis sa bansa natin? Ang alam kasi nila, na mas ok sa ibang bansa dahil mayaman sila. Ika nga ni Hank, akala ba natin masarap buhay dito? HIndi! Trabaho din ng trabaho! Pero kung dito natin gawin yun, mahina man ang
sahod, masaya kasi kasama mo mahal mo sa buhay.

Inaamin ko, isa rin ako sa mga taong tulad ng nabanggit ko. Ang talagang napakasarap marinig mula sa mga banyagang tulad nila, na makita ang mga kaugalian natin at mamuhay na tulad natin. Dahil ang masaklap, kapwa ko pinoy ang umaayaw sa
pagka-Pinoy. At masaklap na ibang tao, na banyaga pa ang nakakita ng katangian natin. Basta ako, mamatay man ako ngayon, Pinoy ako!

No comments: